Langaw at lamok, carrier na rin ng ASF
SANTIAGO CITY, Isabela , Philippines — Itinuturing na rin ngayon ang langaw at lamok na carrier ng African Swine Fever (ASF), ayon sa isinagawang pag-aaral.
Ayon kay Dr. Ronald Dalauidao, hepe ng Cauayan City Veterinary Office ng Isabela, lumabas umano sa resulta ng isinagawang research at pag-aaral na ng isang unibersidad sa Nueva Ecija na positibong carrier ng ASF ang mga lamok at langaw.
Ayon kay Dalauidao, nakumpirma na nagpositibo sa ASF ang mga langaw na hinuli sa mga lugar kung saan may mga kaso ng ASF.
Base sa resulta ng pag-aaral, bagama’t hindi infected ang mga langaw at lamok na tulad rin ng mga tao ay mabilis nilang naikakalat ang virus sa sandali na dadapo ang mga ito sa mga alagang baboy.
Base sa pag-aaral, ang isang langaw ay mabilis na nakakapaglakbay hanggang limang kilometro ang layo.
Kumbinsido naman ang mga apektadong hog raisers dahil sa mabilis na pagkalat ng ASF sa iba’t ibang kalapit na lugar sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon at pagbabantay para hindi sana kumalat pa ang nasabing sakit.
Ayon pa kay Dalauidao, nasa 48 mula sa 65 na barangay sa Cauayan City ang tinamaan ng ASF kung saan mahigit na sa 10,000 na alagang baboy ang pinatay o isinailalim sa culling.
Ayon naman kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng Department of Health Cagayan Valley, lumampas na sa 19,000 baboy ang sumailalim sa culling sa buong Rehiyon 2 kung saan nasa kabuuan na 288 na barangay ang apektado mula sa 35 na bayan mula sa Cagayan, Isabela at Quirino.
Sa kabila nito, nanatiling ASF free ang mga lalawigan ng Nueva Vizcaya at Batanes.
- Latest