MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Nakumpleto na ang 100,000 tilapia fingerlings na ipinangako ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa mga residenteng Dumagat sa may bahagi ng Angat Dam sa bayan ng Norzagaray.
Ito’y matapos ang pagpapakawala ng may 80,000 pang tilapia fingerlings noong nakaraang linggo sa pangunguna ng BFAR katuwang ang Army 48th Infantry Battalion, National Commission on Indigenous Peoples at Metropolitan Waterworks and Sewerage System. Karagdagang isang yunit ng fiberglass boat na may 6.5 horsepower na makina ang ibinigay din ng BFAR bilang suporta sa fishing activities ng mga Dumagat.
Ayon kay TESDA Provincial Director Jovencio Ferrer, ito’y magbibigay ng pagkakataon sa mga Dumagat na mapataas ang produksyon ng isda, karagdagang kabuhayan at magkaroon ng sapat na pagkain ngayong panahon ng pandemya sa COVID-19.
Ang naturang ayuda ay bilang tugon at suporta ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa pamamagitan ng Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster na matuldukan ang terorismo sa bansa.
Sinabi naman ni 48th IB commanding officer Lt. Col. Felix Emeterio Valdez, patunay ito na hindi totoo ang naglabasang ulat na pinipigilan nila ang livelihood activities ng mga Dumagat.