LUCENA CITY, Philippines — Sa kulungan ang bagsak ng isa umanong lesbian matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa isang milyong piso sa anti-drug operation na isinagawa ng joint operatives ng City at Provincial Drug Enforcement Unit sa Purok Trade, Brgy. Ibabang Iyam, dito kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Lt. Col. Romulo Albacea, chief of police dito ang nadakip na si Alyssa Cruz, alyas “Alex”, 25, at kabilang sa talaan ng “Newly Identified Drug Personality”.
Ayon sa ulat, bandang alas-6:40 ng umaga nang isagawa ng mga awtoridad ang buy-bust operation laban sa suspek.
Aabot sa 16 plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 51 gramo at nagkakahalaga ng P1,040,400 ang nakumpiska sa suspek bukod pa sa P500 marked money at mga drug paraphernalia.
Mariin namang itinanggi ng suspek na nagtutulak siya ng ipinagbabawal na droga na nagmula pa sa Muntinlupa City.
Ibinabagsak lamang umano sa kanya ng hindi pinangalanang courier ang droga saka niya iniaabot sa kaibigan at binibigyan lamang siya ng porsyento.