P2.64 milyong cloud seeding, inilaan para sa Pantabangan Dam

NUEVA ECIJA, Philippines — Aabot sa P2.64 milyon ang pondong inilaan ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (NIA-UPRIIS) para sa cloud seeding program na ang layunin ay mapataas ang lebel ng tubig sa Pantabangan Dam.

Sinabi ni Engr. Rosalinda Bote, regional manager ng NIA-UPRIIS, inisyal na nakabili na ang ahensiya ng 900 bags ng asin na gagamitin sa cloud seeding. Nagmula umano ito sa kanilang calamity fund para pondohan ang nasabing programa.

Ang proseso aniya ng cloud seeding ay nagsisimula sa 100 spotter na karamihan dito ay mga magsasaka na kinomisyon ng ahensya upang ku­muha ng litrato ng mga ulap na ipadadala at pag-aaralan ng Bureau of Soils and Water Management ng Department of Agriculture. Kapag ito ay pumasa sa kanilang pagtaya ay lilipad na ang carrier plane dala ang 15-20 na sako ng asin upang magdulot ng pag-ulan.

Noong Sabado, huling­ nagsagawa ang NIA ng cloud seeding matapos lumipad ang carrier plane RP-C8700 Piper Aztec, dala ang 15 sako ng asin na may katumbas na  375 kilo at ibinuhos sa convective clouds ng target area nito sa hilagang bahagi ng Pantabangan Dam.

Show comments