CAVITE, Tanza , Philippines — Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang barangay chairman matapos pagbabarilin sa loob mismo ng kanilang outpost sa Brgy. Calibuyo ng nasabing bayan, kamakalawa.
Ang nasawing biktima ay kinilalang si Angelito Centeno, 60 chairman ng nasabing barangay.
Hindi naman nakilala ang suspek matapos isagawa ang pamamaril ay mabilis na tumakas.
Sa imbestigasyon ng pulisya, kararating lamang ng biktima sa barangay outpost at habang nag-aayos ito sa kaniyang opisina ay bigla na lamang pinagbabaril ng suspek na nasa labas ng outpost.
Nagtamo ang biktima ng isang tama ng bala sa kamay at dalawa sa likod na tumagos sa tiyan.
Tumakas ang gunman na sumakay sa motorsiklo ng kasama na nagsilbing lookout, subalit pagkalipas ng ilang oras ay naaresto rin ang driver ng motorsiklo na sinakyan ng gunman.
Pansamantalang hindi muna pinangalanan ng pulisya ang driver ng motorsiklo na kilalang may bad record sa barangay at sangkot sa droga.