Face-to-face classes ng 46 studes nahaluan ng may COVID-19

Sa kanyang pahayag kamakalawa, pinagpapaliwanag ni CHED Chairman Prospero “Popoy” De Vera III ang Isabela Colleges Inc. kung bakit ito nagbuklod ng mga estudyante sa klase noong Agosto 29 na dinaluhan ng 46 estudyante kabilang isang frontliner ng City Hall na kalaunan ay nagpositibo sa virus.
Philstar.com/Stock

Iskul pinagpapaliwanag ng CHED

TUGUEGARAO CITY,  Cagayan, Philippines — Pina­dalhan ng show cause order ng Commission Higher Education (CHED) ang isang pri­badong kolehiyo upang magpaliwanag dahil sa paglabag sa umiiral na “no face-to-face” classes protocol sa panahon ng pandemya na ikinahawa ng ilang estud­yante sa COVID-19 sa Cauayan City, Isabela kamakalawa.

Sa kanyang pahayag kamakalawa, pinagpapaliwanag ni CHED Chairman Prospero “Popoy” De Vera III ang Isabela Colleges Inc. kung bakit ito nagbuklod ng mga estudyante sa klase noong Agosto 29 na dinaluhan ng 46 estudyante kabilang isang frontliner ng City Hall na kalaunan ay nagpositibo sa virus.

Sa isinagawang imbestigasyon ng CHED Region 2, inamin ng pamunuan ng paaralan na nagsasagawa ito ng “orientation sessions” tuwing Sabado para sa kanilang post baccalaureate program.

Nabatid na isa sa mga dumalo ng tinatawag na “orientation session” ng paaralan ay kawani ng Rural Health Unit na nauna nang sumailalim sa swab test subalit sumama sa sesyon ng mga kapwa estudyante habang hindi pa lumalabas ang resulta ng kanyang pagsusuri.

Bunsod nito, nahawaan ng kawaning estudyante ang dalawa pa nitong kaklase, ayon sa Cauayan City COVID-19 Task Force noong nakaraang linggo.

Isinailalim na sa home quarantine ang dalawang nagpositibong kaklase kasabay ng 43 pang iba na pinangangambahang nahawa na at naghihintay ng kanilang swab test results.

Ayon kay De Vera, maliwanag ang ipinabatid ng CHED na alituntunin sa lahat ng mga higher educational institutions na bawal munang magsagawa ang anumang pakikipagharapan ng mga estudyante, maging classroom instruction man ito o iba pang kahalintulad na gathering o pagtitipon.

Show comments