LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Bulagta ang isang 39-anyos na nagtitinda ng karne matapos na pumalag sa ginawang joint buy-bust operation ng pulisya sa tulay ng panulukan ng Brgy.Banao at Lower Binogsacan sa bayan ng Guinobatan, lalawigang ito, kamakalawa ng hapon.
Napuruhan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan at hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang suspek na kinilalang si Salvador Delos Reyes Sanone ng Brgy. Calzada, Ligao City.
Sa ulat, dakong alas-2 ng hapon, inilatag ang buy-bust operation ng mga kasapi ng Regional Police Drug Enforcement Unit, Regional Intelligence Division 5, Albay Police Provincial Office at Guinobatan Police laban sa suspek.
Nagkasundo ang suspek at posuer buyer na gawin ang transaksyon sa tulay. Gayunman, makaraang iabot ang biniling droga at akmang aarestuhin ang suspek ay bigla siyang bumunot ng baril kaya pinutukan na ng mga nakatagong operatiba. Duguan ang suspek na isinugod sa Josefina Belmonte Duran Memorial Hospital pero idineklarang dead-on-arrival.
Narekober sa lugar ang dalawang malalaking sachet ng shabu, buy-bust money at motorsiklo na ginagamit ng suspek sa ilegal na transaksyon.