NORTH COTABATO, Philippines — Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 16-anyos na dalagitang Moro matapos na hinihinalang ginahasa muna bago pinatay ng mga ‘di pa nakilalang suspek saka itinapon ang bangkay nito sa ilog ng Brgy. Malanduage, Kabacan ng lalawigang ito noong Lunes ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Rasmia kumawir, isang Grade 6 student sa Malanduage Elementary School at residente ng nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat ng Kabacan Police, alas-6:00 ng umaga nang makatanggap sila ng ulat tungkol sa pagkakatagpo sa biktima na palutanng-lutang sa ilog kaya agad silang rumesponde sa lugar.
Umalis ng kanilang bahay kamakalawa ang biktima para kumuha lamang ng kahoy na panggatong hanggang sa hindi na nakauwi ng kanilang bahay. Natagpuan na lamang ng mga residente ang katawan nito na palutang-lutang sa ilog.
Kinondena ni National Commission on Muslim Filipinos at Sec. Saidamen Pangarungan ang karumal-dumal na pagpatay sa dalagita. Hinimok nito ang lokal na pamahalaan na magsagawa ng malalimang imbestigasyon at tugisin ang mga responsable sa krimen.