CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Arestado ang isang pulis at tatlong kaanak matapos silang maaktuhan ng pulisya na nag-iinuman sa Purok 3, Brgy. Rizdelis ng lungsod na ito noong Lunes ng gabi.
Kinilala ni P/Lt. Col. Arnel Dial, hepe ng Cabanatuan City Police, ang mga suspek na sina Patrolman Rolliemar Santos, 26, binata, nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion ng Region 4-A; Rolando Santos, 46, tiyuhin umano ng pulis, isang trike driver; Aldrian Santos, pinsan ng pulis, 25, binata, isang meat store worker; at isa pa nilang kaanak na 17-anyos na binatilyo.
Ang apat ay natunton ng mga rumespondeng pulis bandang alas-9:30 ng gabi matapos ang reklamo ng isang Norhasen Porito, 20-anyos, na tinutukan umano siya ng baril at pinagbantaang papatayin ng nasabing pulis.
Dahil sa takot, agad na humingi ng tulong sa pulisya si Porito at sa mabilis na pagresponde ng pulisya ay naaresto ang suspek na pulis at ang tatlong iba pa.