NORTH COTABATO, Philippines — Dalawang kasapi ng New People’s Army (NPA) ang patay sa bakbakan sa pagitan ng pangkat ng 39th Infantry Battalion sa ilalim ng 1002nd Infantry Brigade sa Sitio Garok, Brgy. Sibulan, Sta Cruz, Davao del Sur noong Linggo ng hapon.
Sa ulat mula sa 39th Smasher Battalion, tinatayang nasa 20 rebelde na pinamumunuan ni Roberto Castillote alias “Inoy/Solomon”, commander ng Sentro de Grabidad (SDG), Pulang Bagani Command (PBC), Southern Regional Committee (src) 3, Southern Mindanao Regional Committee (SMRC), ang nakabakbakan ng militar na nauwi sa pagkakapaslang sa dalawang ‘di pa nakilalang rebelde, alas-3:30 ng hapon.
Narekober ng mga sundalo sa lugar ang M16A riffle, dalawang improvised explosive device at mga subersibong dokumento sa lugar.
Pinasalamatan ni Lt. Col. Geoffrey Carandang, commander sa 39th-IB ang mamamayan sa lugar kaugnay sa kooperasyon sa militar hinggil sa mga galaw ng kilusan.