Para tumaas ang water level sa dam
MANILA, Philippines — Magpapaulan o magsasagawa ng cloud seeding operations (CSOps) sa Central Luzon ang Department of Agriculture (DA) sa tulong ng National Irrigation Administration (NIA) upang makatulong itong mapataas ang bumababang water Pantabangan Dam.
Ayon kay Agriculture Sec. William Dar, inatasan na niya ang Bureau of Soils and Water Management (BSWM) na magsagawa ng CSOps para makalikha ng ulan sa buong Central Luzon o Region 3 na lugar ng maraming palayan na ngayon ay nasa critical reproductive stage.
Ang CSOps ay magkatulong na gagawin ng NIA, Civil Aviation Authority (CAA) at ng Philippine Army’s Fort Magsaysay.
Ayon kay DA-BSWM director Sonia Salguero, ang CAA ay handa nang magbigay ng clearance para sa cloud seeding. May P6 milyong halaga aniya ang laang budget ng NIA para rito.
Ang Pantabangan Dam ay isa sa pinakamalaking dam sa Asya at nagsusuplay ng kailangang tubig sa mga irigasyon para sa mga pataniman sa Central Luzon. Nagbibigay din ang dam ng 112 megawatts ng hydroelectric power.