CAVITE, Philippines — Nauwi sa habulan at barilan ang isinagawang roving patrol ng ilang opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng curfew matapos manlaban ang isa sa mga kalalakihang nagka-Cara y Cruz na ikinasawi nito kahapon ng madaling araw sa Brgy San Francisco Gen. Trias City.
Kinilala ang napatay na si Benhar Jimlan, nasa hustong gulang ng Pabahay, Brgy. San Fransisco, Gen. Trias City.
Sa ulat, ala-1:30 ng madaling araw habang nagsasagawa ng roving patrol ang mga tanod na sina Joseph De Lima at Conrad Padilla, nang makita nila ang isang grupo ng kalalakihan na nagsusugal ng “Cara y Cruz”.
Agad nilang nilapitan upang sitahin ang mga nagsusugal dahil lumalabag na sa sa ipinatutupad na curfew at quarantine pero nagalit ang suspek hanggang sa mauwi sa pakikipagtalo sa dalawang tanod. Bigla na lamang umanong bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang mga tanod.
Nagtatakbo ang mga tanod at agad na humingi ng responde sa pulisya. Pagbalik sa lugar, sinalubong agad sila ng sunud-sunod na putok mula sa suspek sanhi ng habulan at engkuwentro
hanggang sa masukol at mapatay ang suspek. Narekober dito ang maiksing baril na ginamit.