1 sugatan, 2 pa timbog sa engkuwentro
COTABATO CITY , Philippines — Bulagta ang top 4 most wanted person sa Matanog, Maguindanao nang mang-agaw umano ng baril sa kanilang police escort habang ibinabiyahe matapos maaresto sa naganap na engkuwentro na ikinaaresto pa ng tatlong kasamahan kabilang ang isang nasugatan kahapon ng madaling araw, dito.
Kinilala ni Criminal Investigation and Detection Group-Bangsamoro Autonomuos Region in Muslim Mindanao (CIDG-BARMM) regional chief, Col. James Gulmatico ang suspek na si Itek Dumran Cocoy na dead-on-arrival sa ospital habang ang sugatan ay si Makasilang Abdulhazis. Hawak din ng CIDG sa PC Hill, Cotabato City ang kanilang mga kasamahang sina Manan Macarimbnag at Tingo Macasalong na kapwa naaresto sa engkuwentro.
Una rito, naglunsad ng Oplan Pagtugis at Paglalansag Omega ang mga operatiba ng CIDG-BARMM sa nasabing bayan, alas-3:00 ng madaling araw.
Sinabi ni Col. Gulmatico, isisilbi lang sana nila ang warrant of arrest laban sa mga suspek sa bahagi ng Sitio Binical at Sitio T’Ba (Poblacion) sa Brgy. Bugasan Sur, Matanog nang makipagbarilan ang mga suspek sa mga otoridad.
Gumanti ang tropa hanggang sa tuluyang mapasuko ang mga suspek pero habang ibinabiyahe na umano sila patungong Cotabato City ay nang-agaw ng baril si Itek sanhi para mapilitan ang tropa na siya ay paputukan. Bantay sarado naman sa ospital ngayon si Abdulhazis na nasugatan sa engkuwentro.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang caliber 30, anim na magazine ng cal. 30 BAR, 40 rounds of cal 30, isang homemade pistolized M79, tatlong HE 40mm ammunitions, isang cal. 38 SW 357 magnum at isang AFP bandoler.