MANILA, Philippines — Isang dating konsehal na detinido at umano’y nasa likod ng organized illegal drug syndicate na “Kuratong Baleleng Gang” ang natagpuang patay sa loob ng custodial facility sa Ozamiz City, Misamis Occidental kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Police Regional Office 10 spokesperson Lt. Col. Mardi Hortillosa, nadiskubreng wala nang buhay si dating Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog dakong alas-6:00 ng umaga sa loob ng kanyang selda, ilang oras bago ang pagdinig sa kanyang kaso sa korte.
Dahil dito, agad inutos ni PNP chief General Camilo Cascolan ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Parojinog matapos ilipat sa Ozamiz mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Sinabi ni Cascolan na walang nakitang kaguluhan sa detention cell kung saan natagpuan ang bangkay ni Parojinog habang hindi rin ito nakitaan ng anumang sugat o pasa sa katawan.
Gayunman, inilagay na ni PRO10 director P/Brig. Gen Rolando Anduyan sa restrictive custody ang chief of police ng Ozamiz at lahat ng night shift duty personnel para sa imbestigasyon.
Pinaiimbestigahan din ni Cascolan ang PNP Custodial Center security team sa pamumuno ni P/Lt. Col. Jiger Noceda para matukoy ang anumang mga pagkukulang sa pagkasawi ni Parojinog.
Si Ardot ay kapatid ni dating Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr. na napatay kasama ang misis, isa pang Parojinog at 12 iba pa sa magkakasunod na pagsalakay sa bahay ng alkalde sa Ozamiz ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Ozamiz Police sa pamumuno ni Lt. Col. Jovie Espenido noong Hulyo 30, 2017.
Nahaharap sa patung-patong na kasong kriminal si Ardot bago siya naaresto nang tumakas at magtago sa bansang Taiwan noong Mayo 2019 matapos mapatay ang kanyang kapatid ng grupo ni Espenido.
Ang mga Parojinog ay sinasabing utak ng Kuratong Baleleng Gang na responsable sa mga bank robberies, illegal drug trade at gun for hire activities sa iba’t ibang bahagi ng bansa. - Doris Franche