LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 40-anyos na mister matapos na bugbugin at saksakin sa leeg ay isiniksik pa ang bangkay nito sa septic tank ng hindi pa tinutukoy na suspek sa Zone-6, Brgy. Antipolo, Minalabac, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.
Nakitaan ng pulisya ng isang malalim na saksak sa leeg at mga pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan nang maihaon sa septic tank ang biktimang si Quirino Llavan Jr., may asawa, magsasaka, residente sa nasabing lugar.
Nauna rito, alas-7 ng gabi nang makitang nakikipag-inuman ang biktima sa mga kaibigan sa bahay ng nagngangalang Melchor Dumamay. Nang malasing, umuwi ang biktima pero nang bumalik muli sakay ng kanyang bisikleta ay nagkaroon na sila ng pagtatalo ni Dumamay sa hindi malamang dahilan.
Lumipas ang gabi, hindi na nakauwi ang biktima sa kanilang bahay kaya kinaumagahan hinanap na siya ng mga kaanak at isa sa kaibigan nito ang nagsabing nag-away ang una at si Dumamay.
Agad pinuntahan ang lugar at nakita ang dalang bisikleta ng biktima sa palayan kaya kinutuban na may nangyaring masama dito kaya hinanap siya sa paligid. Natagpuan ang bangkay nito na nakasiksik sa septic tank ng abandonadong bahay malapit sa tinitirhan ni Dumamay.
Iniimbestigahan na ng mga pulis ang mga kainuman ng biktima kabilang si Dumamay.