CAVITE, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang 12-anyos na nene na unang iniulat na nawawala matapos madiskubreng nakasako habang nakabaon nang bahagya sa lupa at hinihinalang ginahasa bago pinatay malapit lang sa kanilang bahay sa Rosario, Cavite kamakalawa.
Kinilala ang batang biktima na si Louiza Hillera, 12-anyos na nakatira sa Dreamland, Brgy. Muzon 2 ng nasabing bayan.
Matatandaan na dalawang araw na hinanap ng kanyang pamilya at mga opisyal ng barangay ang biktima sa lugar pero hindi nila lubos akalain na sa malapit lang pala ng kanilang tahanan makikita ang biktima pero patay na at ibinaon ng hindi kilalang suspek upang itago ang ginawang krimen.
Ayon sa FB post ng ina ng biktima na si Chona Alano, bandang 6:30 ng gabi noong Agosto 30 nang huli nilang makitang buhay si Louiza na naliligo pa sa poso malapit sa kanilang bahay kasama ang mga kaibigan. Gayunman, matapos ang paliligo ng mga bata ay nagsiuwian na sila pero hindi na nakarating sa kanilang bahay ang biktima.
Umaga na nitong Setyembre 1, natagpuan ang bangkay ng biktima na nakasilid sa sako at lawit pa ang dila nito habang nakabaon sa lupa pero may nakikitang bahagi ng kanyang katawan kung kaya nakita rin ng mga residente.
May suspek na ang pulisya sa krimen na pinaghahanap na rin sa kasalukuyan pero hindi pa tinukoy ang pagkakakilanlan nito.