NUEVA ECIJA, Philippines — Humihingi ng tulong ang mga motorista kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar na mamagitan sa Tokwing Construction Company (TCC) at sa mga may-ari ng lupain sa Barangay Sibut sa San Jose City, para magamit na nila ang multi-milyong pisong tulay na ipinagawa ng pamahalaan.
Nabatid kay San Jose City Mayor Mario “Kokoy” Salvador, ang reklamo ng mga may-ari ng lupa na hindi pa nababayaran ng DPWH at ng TCC na right of way ay ang dahilan para hindi madaanan ang naturang tulay.
Sinabi pa ni Mayor Salvador na ang proyektong Sibut-Palestina Bridge ay nagkakahalaga ng P152-milyon na sinumulan noon pang Oktubre 8, 2015, at halos 100% kompleto na at may 2 taon nang nakatengga dahil ayaw paraanan ng mga may-ari ng lupa.
Sa pahayag ni Crisostomo Rivera, 46, isang retired police officer, umabot umano sa 1,500 square meters ang lupa niya na sinakop ng tulay at ni isang kusing ay wala pa siyang natatanggap na bayad.
“Yung sa akin lang po P1.9-M na, sa mga kamag-anak ko may P100,000, may P700,000 at may iba pa pero wala pa po kaming natatanggap. Puro submit kami ng mga dokumento. May nakipag-usap lately na bigyan daw kami ng 50%, ‘di kami pumayag baka maglaho ‘yung balanse kapag pinadaanan na ‘yung tulay,” ani Rivera.
Itinakdang tapusin ang Sibut bridge noong Setyembre 26, 2017, pagkaraang makumpleto ang detailed engineering design na gagawin dito pero dahil sa nagkaroon umano ng mga revisions sa disenyo kaya’t napalawig ang deadline of completion nito ng hanggang Pebrero 26, 2019.