Bulacan Governor Fernando nagpositibo sa COVID-19
MALOLOS CITY, Philippines — Inanunsyo kahapon ni Bulacan Governor Daniel Fernando na nagpositibo siya sa coronavirus disease (COVID-19) na kasalukuyan nang naka-self quarantine pero patuloy aniyang pamumunuan ang lalawigan sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya ng komunikasyon at pagtalima sa pinakamahigpit na health protocols.
Sinabi ni Fernando na lumabas ang kanyang real-time polymerase chain reaction (RT-PCR) bilang positive-asymptomatic noong Biyernes (Agosto 28). Nananatiling masigla ang gobernador at hindi nakararanas ng anumang sintomas sa nakalipas na 24 oras. Hindi muna papayagan ang harapan niyang interaksyon sa publiko sa loob ng dalawang linggong isolation.
Hinihinala na maaaring na-expose siya sa isang bokal ng Sangguniang Panlalawigan na kanyang nakasama sa ilang opisyal na kaganapan, na kinalaunan ay napaulat na nagpositibo sa virus.
“Nagkaroon ako ng inisyatibo na magpa-test matapos na maging close contact ng nasabing lokal na opisyal. ‘Wag nating kalimutan na maging ang mga world leaders at top government officials ay nagging infected sa virus, dahil wala itong pinalalagpas at wala itong respeto sa mga indibiduwal, maging sino man sila. Kaya naman nananawagan ako sa lahat na maging responsable at ipagpatuloy ang pagsunod sa mga health standards at protocols upang makapagligtas tayo ng buhay,” ani Gobernador Fernando.
Agarang iniutos ng gobernador ang contact tracing upang matukoy ang mga taong nagkaroon ng close contact sa kanya at nanawagan sa mga nakararanas ng mga sintomas na lumapit sa Provincial Health Office para sa pagsasagawa ng proper testing protocols.
- Latest