TUGUEGARAO CITY, Philippines — Umabot na sa limang pulis sa lungsod na ito ang nagpositibo sa COVID-19 matapos na mahawaan ng kanilang kasamang civilian employee habang kasalukuyang sumasailalim sa 2-linggong lockdown ang kanilang police station dito kahapon.
Pinangangambahan na tataas pa ang bilang ng mga mahahawaan habang hinihintay ang resulta ng 42 organic police personnel sa lungsod na sumailalim sa pagsusuri sa COVID, ayon sa Provincial Health Office.
Mayroong 33 preso sa himpilan ang inoobserbahan din sa posibleng pagkakahawa.
Una rito, nagkulong sa loob ng gusali ng istasyon ang hepe na si Lt. Colonel Jonalyn Tecbobolan at 23 niyang tauhan matapos magpositibo noong Agosto 17 ang kasamahan nilang non-uniformed personnel.
Ayon kay City Mayor Jefferson Soriano, hiniling na niya sa Provincial at Regional Inter Agency Task on COVID-19 na isailalim sa 10 araw na modified enhanced community quarantine (MECQ) ang buong lungsod bunsod na pagtaas ng mga kaso.
Sa huling tala ng City Health Office, may 31 aktibong kaso ng COVID-19 habang 200 pa ang nakasalang sa monitoring matapos makasalamuha ang kawani at dalawa pang miyembro ng pamilya nito na kapwa positibo rin sa virus.