MANILA, Philippines — Tatlong mangingisda mula Batanes at Uyugan ang iniulat na nawawala matapos silang pumalaot sa karagatan sa kasagsagan ng masungit na lagay ng panahon kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Batanes Governor Marilou Cayco ang mga mangingisda na sina Antonio Lizardo, 53; Eduardo Elica, 35; at Tinong Alviso, 45. Huli silang nakita malapit sa isla ng Itbayat at Siayan, hilagang bahagi ng Basco, patungong Mavudis Island.
Ayon kay Cayco, nagsasagawa na ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Philippine Marines sa tatlong nawawala.
“Maraming fishermen na nagpunta sa may north islands, pero malalaki na nga ang alon so maagang nagdatingan ‘yung mga iba. Silang tatlo lang ang hindi nakabalik, at hapon na ‘yun. So nagtawag na kami sa Coast Guard,” ani Gov. Cayco.
Ni-report na rin ni Cayco kay Gen. Rey Ramiro ng NOLCOM ang insidente upang magpadala ng eroplano at matingnan ang iba pang isla sakaling gumanda ang panahon.