42 police trainees nagpositibo sa COVID-19
Calapan City balik MECQ
MANILA, Philippines — Balik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Calapan City sa Oriental Mindoro matapos na magpositibo rito ang 42 police trainees sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Calapan Mayor Arnan Panaligan, sumailalim sa PCR testing ang mga police trainees sa Philippine Red Cross molecular laboratory sa Batangas City.
Nabatid na ang 42 pulis na nakalataga sa kabayanan ay nadagdag sa limang police trainees at officers na dinapuan ng COVID-19. Sila ay inilagay na sa City Treatment and Isolation Facility sa City Hall Complex.
Sinabi ni Panaligan na hiniling nila sa Regional IATF sa pamamagitan ng tanggapan ni Oriental Mindoro Gov. Humerlito “Bonz” Dolor na pansamantalang ilagay ang Calapan City sa MECQ sa loob ng 14-araw simula ngayong Agosto 13. Nakatakda ring magsagawa ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga police trainees.
Sakali aniya na magiging maayos ang resulta ng contact tracing at hindi na madaragdagan ang bilang ng mga COVID-19 cases, maaaring paiksiin ang 14- day MECQ.
Ipinatutupad rin sa mga mamamayan ang kanilang iskedyul ng pamimili; paggamit ng quarantine passes; pagbabawal sa mass gatherings, meetings, events, assemblies at sports activities.
- Latest