TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Dalawang enforcer ng Land Transportation Office (LTO) ang nadakip kasunod ng inilatag na entrapment operation sa kanila ng awtoridad dahil sa umano’y pangongtong sa dalawang biyahero ng trak sa lungsod na ito noong Lunes.
Sa report na nakarating kay Lt. Col. Jonalyn Tecbobolan, hepe ng Tuguegarao City Police Station, kaagad dinakma ng mga operatiba sina Chito Apattad, 45, at Darwin Pauig, 41, na kapwa nakatalaga sa LTO Regional Office dito matapos tanggapin ang P20,000 entrapment money mula sa mga drayber na sina Donovan Divina, 34, at Bongbong Ignacio, 45. Naganap ang pay-off sa isang karinderya sa highway ng Barangay Pengue-ruyu.
Nabatid na hinuli ng dalawang enforcer ang dalawang driver dahil sa pagiging kolorum ng kanilang dalang mga trak. Dinala sila sa kainan upang mabigyan ng pagkakataon na tawagan ang kanilang mga amo para ayusin ang kanilang gusot habang sila ay kumakain.
Gayunman, lingid sa dalawang enforcers ay isinuplong na sila ng may-ari ng trak sa awtoridad kaya inilunsad ang entrapment dakong alas-12:30 ng tanghali sanhi ng kanilang pagkakaaresto.