NORTH COTABATO, Philippines — Ospital ang bagsak ng 25 katao matapos makaranas ng pananakit ng tiyan, pagtatae at pagsusuka bunsod sa hinihihinalang ininom na kontaminadong tubig sa Purok 6, Brgy. Nalin, Midsayap ng lalawigang ito, ayon sa ulat kahapon.
Sinabi ni Mylene Enturom, barangay midwife na ang mga biktima ay kumukuha ng tubig na maiinom sa isang jetmatic pump o poso malapit sa mga comfort rooms at sementeryo na posibleng dahilan ng contamination ng tubig.
Nabatid na noong Biyernes pa nakaranas ng pananakit ng tiyan at pagsusuka ang mga pasyente kaya agad silang dinala sa ospital.
Sinabi ni Enturom, May 2-anyos ang pinakabatang pasyente at ang pinakamatanda ay edad 46-anyos na ginagamot na sa ospital habang nakauwi na ang iba.
Sinisiyasat na ng municipal health officer ang insidente upang matukoy kung cholera o amoebic dysentery ang sanhi ng sakit ng mga residente sa Purok 6.
Kahapon ay tinungo na ng mga tauhan ng provincial disaster risk reduction and management council ang lugar upang mag-imbestiga at tulungan ang mga pamilyang nagkasakit.