CALUMPIT, Bulacan, Philippines — Pinaghahanda na ang mga may-ari ng mga establisimyento at mga residenteng nakatira sa lupaing pag-aari ng Philippine National Railways (PNR) sa bayan ng Calumpit at sa lungsod ng Malolos, para sa nalalapit na pagbabakante ng lupang kinatatayuan.
Ito’y matapos lagdaan ang kontrata para sa konstruksyon ng Phase 2 ng North-South Commuter Railways (NSCR) Project na bubuhay ng dating ruta ng riles ng tren ng PNR mula sa Malolos patungong Clark International Airport (CRK).
Ayon kay Calumpit Mayor Jessie De Jesus, sakop nito ang mga istraktura na nasa hilera ng dating istasyon ng tren sa Calumpit na ilang metro rin ang lapit sa southbound lane ng Manila North Road o MacArthur Highway.
Bagama’t gigibain ang mga istraktura sa loob ng lupain ng PNR, hindi gigibain ang orihinal na istraktura ng dating istasyon ng tren sa Calumpit. Ipepreserba umano ito kagaya ng mga lumang istasyon na dinaraanan ng ruta mula Tutuban hanggang sa Malolos.
Paliwanag pa niya, sa mga naunang pakikipagpulong ng local na pamahalaan ng Calumpit sa Department of Transportation (DOTR) at sa Japan International Cooperation Agency (JICA), ang mga maaapektuhan ay pagkakalooban ng karampatang kompensasyon at buong buo na isasauli ang lupain sa PNR upang magamit sa pagtatayo ng NSCR Phase 2.
Ayon sa ulat ni DOTR Assistant Sec. Goddes Hope Libiran, ang NSCR Phase 2 ay magiging kauna-unahang airport railway ng Pilipinas dahil direktang ikakabit ang mga riles sa mismong bagong tayong Clark International Airport Terminal 2. May habang 53 kilometro ang salubungang riles na ilalatag mula sa Malolos patungo sa naturang paliparan.
Nagkakahalaga ng P38 bilyon ang kontrata na unang bahagi ng kabuuang P211 bilyong halaga ng proyekto na kapwa pinopondohan ng Asian Development Bank (ADB) at ng JICA. Sa Malolos, ikakabit ang NSCR Phase 2 sa ginagawa nang NSCR Phase 1 na ngayo’y halos 40% na ang naitatayo mula sa Malolos hanggang sa Tutuban.