MANILA, Philippines — Isang 19-anyos na criminology student ang patay habang sugatan ang kanyang kaibigan nang pagpapaluin ng isang kagawad sa Manaoag, Pangasinan, iniulat kahapon.
Sa paunang imbestigasyon, lulan ng motorsiklo ang biktimang si Isagani Ilagan at angkas na kaibigan nang bumangga sila sa barrier sa kalsada sa area ng Manaog.
Ayon kay Anna Pauline, kapatid ni Ilagan na nabangga ng kanyang kapatid ang barandilya kaya hinarang siya at angkas ni Brgy. Kagawad Roden Padilla. Pinaupo umano ng kagawad ang dalawang biktima at dito na sila pinagpapalo sa iba’t ibang bahagi ng katawan kung saan nagtamo ng matinding pinsala si Isagani na kanyang ikinasawi.
Itinanggi naman ni Padilla ang krimen at sinabing hindi niya magagawa ang bintang dahil paralisado ang isa niyang kamay.
Sa panayam naman kay P/Major Angelo Camuyot, hepe ng Sta. Barbara Police, nagsasagawa na sila ng malalimang imbestigasyon sa pagkamatay ni Ilagan at pagkakasugat ng kaibigan nito na kapwa residente ng Brgy. Minien, Sta. Barbara, Pangasinan.
Sinabi ni Camuyot na base sa pahayag ni Padilla, habang pinagpapahinga niya ang dalawang biktima matapos na mabangga ang barrier ay bigla na lamang umanong kinuha ng dalawa ang kanyang traysikel kung kaya’t hinabol niya ang mga ito at nang abutan sa Brgy. Leet, Sta. Barbara ay napalo niya si Ilagan sa balikat hanggang sa tumakbo na ang dalawa at tumalon sa creek.