3 treasure hunter huli sa aktong naghuhukay

SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Tatlong lalaki na pinaniniwalaang treasure hunters ang dinakip ng mga awtoridad matapos umanong maaktuhan na nagsasagawa ng paghuhukay sa Sitio Namnama, Barangay Santos, Quezon sa lalawigang ito, kamakalawa.

Ayon sa ulat sa Isabela Provincial Police Office (IPPO), nakilala ang mga suspek na sina Rolando Busante, 44, ng Minagbag, Quezon; Roberto Dela Cruz, 65, ng Casili, Mallig at Alfredo Sales, 53, ng San Antonio, San Mateo; pawang sa Isabela.

Sa ulat ng Quezon Police, naaktuhan umano ang mga suspek na nagbubutas at gumagawa ng tunnel sa ilalim ng isang malaking puno ng Balete sa lupain ng isang Nilo Bautista sa Barangay Samonte, Quezon.

Nakuha mula sa mga suspek ang apat na piraso ng Stick detector, isang malaking maso, isang crow bar, isang pala at dalawang corrugated rods.

Ang mga suspek ay pinaniniwalaang naghuhukay ng mineral o nakatagong kayamanan na dala ng mga sundalong hapon noong panahon ng WWII sa nasabing lugar.

Show comments