ANTIPAS, North Cotabato, Philippines — Isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) na nagsisilbi ring frontliner ang nasa kustodya ng pulisya at isinailalim sa 14-day mandatory matapos akusahang gumahasa sa isang 15-anyos na dalagita sa loob ng isolation facility sa Brgy. Dolores, Antipas, inulat kahapon.
Ayon sa ulat ni Antipas Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO Head Helen Lebuit, Hulyo 12 nang mangyari ang panghahalay sa naka-quarantine na dalagita matapos na makipag-inuman sa nasabing suspek doon mismo sa isolation facility.
Sumunod na araw nang makatanggap ng text ang naturang biktima na nais ng BPAT member na maulit muli ang nangyari sa kanila noong gabi ng July 12, dahilan para magsumbong ang dalagita sa kanyang mga kaibigan.
Dagdag pa sa ulat, hindi na umano nakapalag pa ang biktima dahil nakita nito ang kutsilyo sa gilid ng suspek na lasing nang ginawa ang panghahalay.
Samantala, agad na inilipat sa municipal quarantine facility ang biktima sa Brgy. Poblacion ng bayan at desidido siyang sampahan ng kaso ang 35-anyos na BPAT frontliner.
Kaugnay nito, magsasagawa ng imbestigasyon ng Municipal Inter-Agency Task Force ng Antipas sa naturang insidente kung saan tiniyak ni Vice Mayor Cris Cadungon na mapapatawan ng karampatang parusa ang nasabing suspek.