Long Mejia, Dagul at Gene Padilla arestado sa Ilocos
Sa paglabag sa quarantine protocols
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Dinakip ng mga awtoridad ang tatlong kilalang komedyante na sina Long Mejia, Dagul at Gene Padilla matapos pumuslit sa mahigpit na border ng Cordillera at lampasan pa ang COVID-19 checkpoint sa Sta. Domingo, Ilocos Sur noong Linggo na ikinangitngit ng mga lokal na opisyales at mamamayan dito.
Ayon kay Ilocos Sur Governor Ryan Singson, sina Long Mejia o Roberto Mejia sa tunay na buhay, Dagul (Romy Pastrana) at Gene Padilla (Gene Baldivia) ay nagkaroon ng “unsanctioned visit” at “gig” sa bayan ng Sto. Domingo. Dumating umano ang tatlong komedyante kasama ang mga kaibigan sa nasabing bayan nang “walang lehitimong pakay” at walang koordinasyon sa provincial government at sa COVID Action Center of Ilocos Sur.
Dahil dito, hiniling ni Gov. Singson sa Sangguniang Panlalawigan na agad magpasa ng resolusyon na nagdedeklara na “persona non grata” ang tatlo sa Ilocos Sur dahil sa pagbabalewala sa kanilang pinaiiral na mga quarantine protocols.
Ani Singson, magiliw at mapagbigay sa mga bisita ang mga Iloko subalit malaking kalapastangan sa kanila ang insidente. Niyurakan aniya ng tatlo ang sakripisyo ng lokal na pamahalaan upang hadlangan ang pagkalat ng virus mula sa mga taong galing sa COVID-19 hotspots.
Sinabi naman ni P/Capt. Christopher Ramat, hepe ng Sto. Domingo Police na kinasuhan na ang tatlong komedyante dahil sa paglabag sa R.A. 11332 (Procedures on Surveillance and Response to Notifiable Diseases, Epidemics, and Health Events of Public Health Concern).
Ayon kay Ramat, isinailalim ng awtoridad sa isolation ang isang pamilyang tinuluyan ng tatlong komedyante upang kumain ng hapunan pagkagaling ng mga ito mula Abra dakong alas-6:00 ng gabi. Sa Sto. Domingo. Naharang ang tatlo ng mga awtoridad sa sumunod na bayan ng Tagudin at dito sila sumailalim sa proseso ng booking at mugshot habang sinisilip ng mangilan-ngilan na tagahanga sa labas ng presinto.
Ikinuwento naman ni Lt. Rovic Nelmada, deputy chief ng Tagudin Police na walang nangahas na kumuha ng selfie sa tatlo bago sila dumaan sa health triage at sumailalim sa inquest proceedings ng piskalya.
Sa kabila nito, nakakuha rin ng release order ang tatlo at pinayagang makauwi dakong madaling araw na ng sumunod na araw, dagdag ni Nelmada.
- Latest