Madugong birthday party
MANILA, Philippines — Patay ang dalawa katao makaraang barilin ng isang sundalo na nag-amok makaraang agawan ng mikropono ng isa sa mga bisita habang kumakanta sa isang birthday party sa Bocaue, Bulacan kamakalawa.
Nakilala ang mga nasawi na sina Antonio Geraldo alyas “Tony”, 47, at isang alyas “Putol”, 21, kapwa residente ng AFP/PNP Housing, Bocaue Hills, Brgy. Batia, Bocaue, Bulacan.
Nasa kustodya na ng Bocaue Police ang suspek na si Sgt. Bernardino Maitem, Jr. alyas “Black”, 45, nakatalaga sa 18th SF Company sa Puerto Princesa, Palawan at nakatira sa B58, L24 & 26 AFP/PNP Housing, Bocaue Hills, Brgy. Batia, Bocaue, Bulacan.
Ayon kay Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan Police, alas-2:30 ng hapon nang maganap ang pamamaril habang kasagsagan ng birthday party ng isang residente sa nasabing AFP/PNP Housing.
Nabatid na dumalo ang suspek at mga biktima sa birthday party ng kanilang kapitbahay. Pero habang kumakanta ang suspek ay bigla na lamang na inagaw ng isang Edgar Bonaobra ang microphone ng suspek kaya labis na ikinapikon nito.
Dahil sa galit, umuwi ang suspek at nang bumalik ay may bitbit nang isang cal. 9mm Glock Gen IV pistol at kinompronta sina Bonaobra at Geraldo hanggang sa mauwi sa suntukan. Dito na binunot ng suspek ang dalang baril at nagpaputok kung saan tinamaan si alyas Putol na dead-on-the-spot at binaril din nito ang papalayong si Geraldo.
Dinala sa Rogaciano Memorial Hospital sa Sta. Maria, Bulacan si Geraldo subalit binawian ng buhay habang ginagamot.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng bala at apat na bala.
Sa follow-up operation ng mga awtoridad, nadakip ang suspek at narekober ang isang isang Glock Gen IV USA 9x19 series pistol at isang magazine na may 17 na bala.