Vice mayor, konsehal at 2 parak; 8 pa tiklo sa sugal
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Arestado ang isang vice mayor, city councilor at 10 pang katao kabilang ang dalawang pulis at misis ng konsehal sa isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad sa magkahiwalay na pasugalan sa kasagsagan ng community quarantine sa Brgy. Pengue Ruyu at Brgy. Leonarda ng lungsod na ito noong Sabado.
Kinilala ni Cagayan Police director Colonel Ariel Quilang ang mga opisyal na dinakma na sina Jolly Taberner, 65-anyos, vice mayor ng Maconacon, Isabela; Danilo Baccay, 65, konsehal ng Tuguegarao City; Staff Sergeants Maconel Pascua, 39, at Christine Ruiz, 40; isang retiradong pulis na si Gerry Adducul, 66, kapwa ng Brgy. Balzain, Tuguegarao City at Marlene Bautista, 52, kawani ng Department of Agriculture at residente ng Brgy. Capatan, Tuguegarao City.
Kasama rin sa mga naaresto sina Pedro Baggay, 33, ng Brgy. Dadda, Tuguegarao City; Jayson Allam, 39, ng Brgy. Kapatan; Grace Laggui, 44, at Peter Laggui, kapwa ng Brgy. Pengue Ruyu at may-ari ng bahay kung saan nagsusugal ang mga suspek.
Ayon kay Quilang, natiklo sa ikalawang palapag ng bahay ng naarestong si Peter Laggui si Vice Mayor Taberner, alalay nitong dalawang pulis at anim pang iba na naglalaro ng mahjong dakong alas-2:50 ng hapon.
Ayon naman kay Major Joefersson Gannaban, naaktuhan sina Konsehal Baccay, misis na si Monette, 64; Shiela Velasco, 44, at iba pa na naglalaro ng mahjong sa kanilang nirerentahang bahay dakong alas-3:20 ng hapon sa Dulig St., Brgy. Leonardo. Nagsipulasan umano ang iba pang sugarol nang makita ang paparating na raiding team.
Nakumpiska sa raid ang dalawang mahjong sets, walong upuan, mga perang taya, ang cal. 45 na baril ni Vice Mayor Taberner at 3 magazine nito.
Bukod sa illegal gambling, nahaharap sa kasong paglabag sa quarantine protocol ng social distancing ang mga naaresto habang kasong illegal possession of firearms ang isasampa sa bise alkalde. Artemio A. Dumlao
- Latest