Frontliners ng BRTTH inuulan ng diskriminasyon, pinalayas sa hotel

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - Nagbabalak nang tumigil sa trabaho bilang mga frontliners laban sa COVID-19 ang mga medical staff ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa lungsod na ito matapos na umabot na sa sukdulan ang nararanasan nilang diskriminasyon kamakalawa.

Sa ulat, bigla na lang pinaalis ang tatlong team ng medical frontliners ng BRTTH na may 10 hanggang 15-katao kada grupo sa kanilang tinutuluyang Oriental Hotel dahil sa sinabing may ipapasok umanong mga tao si “Mayor Noel Rosal”.

Dahi dito, napilitang lumipat ang mga health workers mula sa ­Oriental Hotel sa Thirdy’s Inn pero ginulo naman umano sila ng ilang tao kaya nanlulumong umalis at lumipat naman sila sa Apple Peach House sa likurang bahagi ng City Hall sa Marquez Street, Old Albay District. Gayunman, nitong nakalipas na Biyernes ay sinugod at pinaaalis din umano sila ng mga taga-barangay.

Karamihan sa natu­rang medical health workers ay hindi na umuuwi sa kani-kanilang bahay bilang pag-iingat habang ang iba ay nakararanas ng panggugulo ng ilang kapitbahay. Bunsod nito, ilan sa kanila ang nagbabalak nang magbitiw sa mga COVID-19 isolation facility at bumalik na lamang sa kani-kanilang dating duty na karamihan ay nasa ward ng ospital.

Sa kabila ng peligro, pagod, puyat, gutom at diskriminasyon na kanilang inaabot ay hindi pa nila natatanggap ang kahit anong ipinangakong “hazard pay” ng gobyerno.

Show comments