Negosyanteng Tsinoy at Pinoy nadakip sa mga pekeng yosi
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines – Dalawang negosyante kabilang ang isang Chinese national ang dinakip ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad dahil sa pag-iingat ng mga pekeng sigarilyo sa lungsod na ito kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ang mga suspek na sina Fubin Huang, 25, manager, Chinese national, nakatira sa Cauayan City at Tonron Quejada, 23, assistant manager na tubong Lourdes, Cabanatuan City, Nueva Ecija at residente ng Brgy. Mabini sa lungsod na ito.
Ayon sa ulat ni P/Brig. Gen. Crizaldo Nieves, Regional police director ng Cagayan Valley, armado ng Letter of Authority ay sinalakay ng pinagsanib ng mga operatiba ng Santiago City Police, Bureau of Customs at kinatawan ng Japan Tobacco Inc. (JTI) ang TOP Warehouse na matatagpuan sa Hawkson Street, Purok 5, Brgy. Mabini na nagresulta sa pagkakadakip ng dalawang suspek dakong alas-11:30 ng tanghali.
Nakumpiska sa loob ng warehouse ang nasa 81 karton ng mga pekeng Marvel Filter King at 5-karton ng Migthy Green na sigarilyo na nasa P2, 580,000 na isinilid sa loob ng isang Isuzu forward (RMS 697).
Magugunita na nitong Mayo, nadakip din ng mga awtoridad ang apat na Chinese mula Wuhan, China sa isinagawang raid sa isang rice mill na ginawang pagawaan ng pekeng mga sigarilyo sa Naguillian sa lalawigang ito. Nasa 195 mga manggagawang Pinoy rin ang nahuli na pawang mga residente ng Visayas at Mindanao.
Ayon kay Nieves, nagpalabas na siya ng kautusan para sa mas malalim na imbestigasyon at pagsusuri sa mga warehouses sa Cagayan Valley.
- Latest