TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Naaresto ang isang 60-anyos na lolo na sangkot sa pagdukot at paggulpi sa binatilyong inutusang bumili ng suka sa tindahan matapos ang halos isang dekadang pagtatago nang matunton ng awtoridad sa kanyang lungga sa Tanza, Cavite kamakalawa.
Ayon kay Cagayan Police Director Col. Ariel Quilang, walang inirekomendang piyansa si Aparri RTC Judge Nicanor Pascua Jr. laban kay Wilfredo Yoldi sa kasong kidnapping at serious illegal detention in relation to RA 7610 na nangyari noong 2010.
Sa rekord, pauwi mula sa tindahan si Jomary Cortez na noon ay 17-anyos pa lamang nang mapagkamalan siyang kaaway ng mga apo ni Yoldi sa nagaganap noon na riot sa Brgy.Tallungan, Aparri. Dahil dito, kinaladkad ng mga Yoldi si Cortez sa bahay ng matanda at doon halinhinan siyang pinagbubugbog at pinagsisipa hanggang maisagawa ang rescue sa biktima ng mga opisyal ng barangay.
Nabatid na ang matandang Yoldi ang pinakahuling dinampot na akusado ng awtoridad kaugnay sa kaso.