MANILA, Philippines — Matapos harangin papasok sa Sagada, muli na namang nakaranas ng matinding paghihigpit sa “quarantine protocols” ang movie director na si Joyce Bernal, aktor na si Piolo Pascual at kanilang grupo mula sa Malacañang matapos silang itaboy ng mga opisyales at mamamayan ng Ifugao nang tangkain nilang pumasok upang mag-shoot sa pamosong Banaue Rice Terraces.
Sinabi sa PSN ni Banaue Police chief Capt. Rodolfo Fateg na hindi na pinababa ng sasakyan sina Bernal, Pascual at mga kasamahan nang harangin sila sa highway ng Mt. Polis ng mga kasapi ng Inter-Agency Task Force ng COVID-19 dakong alas-9:30 ng umaga kamakalawa.
Nabatid na sinamahan na lamang ng police escort ang grupo ni Bernal palabas sa boundary ng Banaue nang walang maraming salita at kanilang tinahak ang daan patungo sa kabisera ng Lagawe.
Ipinaliwanag ni Banaue Mayor Wesley Dulawan na mayroon siyang umiiral na Executive Order (EO) na nagbabawal sa sinuman na lumabas o pumasok sa kanyang teritoryo mula Hulyo 3 hanggang Biyernes.
Aniya, ang kautusan ay kanyang ibinaba upang masawata ang pagkalat ng COVID-19 sa kanyang bayan bagama’t mayroon nang naitatalang kaso sa mga kalapit na munisipalidad ng Lagawe, Lamut, Hingnon at Tinoc.
Nabatid na nais kunan ng video ni Bernal sa Banaue ang World Heritage site ng Batad Rice Terraces habang nakasuot ng bahag ang actor na si Pascual.
Nauna rito, tinanggihan din ang grupo ni Bernal na makapasok ng Sagada sa Mountain Province upang kumuha ng video ng mga tanawin at katutubong pamumuhay doon para gawin sanang backdrop sa nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na gaganapin sa ikatlong linggo ngayong Hulyo kung saan si Bernal din ang magsisilbing director. Ipinaliwanag ng mga opisyal ng Sagada na hindi sila nagpapapasok ng mga dayo sa kanilang lugar upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.