SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Sinampahan ng isang abogado ng kasong kriminal at administratibo sa tanggapan ng Ombudsman ang mayor ng Tabuk City sa lalawigan ng Kalinga dahil umano sa maanomalyang pagbili ng thermal scanner para sa COVID-19.
Ang kaso ay pormal na inihain ni Atty. Errol Comafay Jr., residente ng Barangay Bulanao, Tabuk City sa tanggapan ng Ombudsman nitong Hunyo 29, 2020 laban kay City Mayor Darwin Estrañero dahil umano sa overpriced medical supplies at devices na gagamitin para sa panlaban sa COVID-19.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi ni Comafay na kabilang sa mga overpriced na medical supplies na binili ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ni Estrañero ay ang thermal scanner na umabot sa P12,000 bawat isa kung saan gumastos ang LGU ng P1.2 million para sa 100 piraso ng thermal scanner.
Ayon kay Comafay, maliwanag na maanomalya ang pagbili dahil base sa Memorandum Order No. 2020-0131 ng Department of Health (DOH), ang pinakamurang thermal scanner ay mula P599-P3,400 kada piraso lamang. Mataas din umano ang pagbili ni Estrañero sa iba pang mga medical supplies tulad ng thermal scanner gun, alcohol, PPE jacket at PPE with shoe cover and glasses.
Sa kabuuan ay nasa P1,962,575 ang nasayang umano na pondo ng lokal na pamahalaan dahil sa mga overpriced na kagamitan.
Idinawit din sa kaso ang isang pharmaceutical company sa lungsod ng Cauayan sa Isabela.
Depensa naman ni Estrañero, pinopolitika lamang siya ng mga naghain ng kaso para sirain ang kanyang imahe.