Sundalo, 3 pa minasaker ng barangay police action team

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Private First Class Mark Anthony Monte, nakadestino sa Bohe Lebbung Detachment, mga CAFGU na sina Samy Akay at Alibasa Antaas, at sibilyang si Kong Uging. Ginagamot naman sa ospital ang mga sugatan sa pamamaril.
The STAR, File

BASILAN, Philippines  — Patay ang isang sundalo at tatlo pang kasama habang apat pa ang sugatan matapos silang pagbabarilin ng mga miyembro umano ng Barangay Police Action Team (BPAT) sa Brgy. Bohe Lebbung, Tipo-Tipo, Basilan nitong Biyernes ng gabi.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Private First Class Mark Anthony Monte, nakadestino sa Bohe Lebbung Detachment, mga CAFGU na sina Samy Akay at Alibasa Antaas, at sibilyang si Kong Uging. Ginagamot naman sa ospital ang mga sugatan sa pamamaril.

Ayon kay AFP-Western Mindanao Command Spokesman Major Arvin John Encinas, naitala ang masaker dakong alas-9:30 ng gabi kung saan itinuro ng mga testigo ang BPAT na nagsisilbing force multiplier ng Basilan Police na nasa likod ng pamamaril sa mga biktima.

“Yan po ang lu­malabas BPAT ang mga suspect but it is still subject for investigation,” ani Encinas.

Kasalukuyang nasa lugar na kilalang balwarte ng Abu Sayyaf Group (ASG) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nasabing sundalo at tatlong kasama nang bigla silang paulanan ng bala ng mga armadong suspect.

May matagal na umanong hidwaan ang magkabilang grupo na isa sa pangunahing motibong sinisilip ng mga awtoridad sa krimen.

Show comments