MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Isang magandang balita para sa mga drayber at pasahero ng dyip sa Bulacan matapos pahintulutan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hiling ni Gob. Daniel Fernando na payagang bumiyahe ang mga pampublikong dyip sa dati nitong mga ruta at linya habang ipinatutupad ang modified general community quarantine (MGCQ) sa lalawigan.
Ayon sa LTFRB, ang pagbibigay ng special permit ay para sa 50 porsyento pa rin ng operasyon na may salitan na iskedyul bawat araw.
“Ni-request natin na ibalik ang dating ruta para maiwasan ang kumplikasyon sa TODA, sila na rin ang ni-lobby natin na magbigay ng schedule sa mga driver para mas maayos, para lahat pantay ang oportunidad na makapaghanapbuhay, pero wag nating kalimutan na nandyan pa ang pandemic at MGCQ pa rin, mag-iingat po tayo,” ani Fernando.
Sinabi ni Atty. Jesus Sison na bagaman at dumarami na ang binubuksang ruta, may mga batas pa ring kailangang sundin tulad ng pagsusuot ng mask at gloves ng mga drayber, bawal magsakay ng pasaherong walang face mask at dapat may physical distancing, pag-disinfect ng mga sasakyan pagkatapos ng biyahe, pag-disinfect ng mga madalas hawakang parte ng sasakyan kada tatlong oras, dapat mayroong thermal scanner sa mga terminal, tamang pamasahe at iba pa.
Base sa permit, P9.00 ang minimum na pamasahe para sa mga tradisyunal na dyip sa unang apat na kilometro at dagdag na P1.50 sa bawat susunod na kilometro habang P11.00 naman ang minimum na bayad para sa mga modernong dyip at P1.50 sa mga susunod na kilometro.