ANGELES CITY, Philippines — Iniutos ni Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. ang pansamantalang pagpapasara ng Pampang Public Market sa lungsod kahapon ng tanghali matapos na isang vendor dito ang nagpositibo at namatay sa COVID-19.
Sa ulat sinabi ni Dr. Froilan Canlas, officer-in-charge ng Rafael Lazatin Memorial Medical Center (RLMMC), isang 21- anyos na vendor na taga-Brgy. Pampang ang tinamaan ng COVID-19 at nasawi nitong Martes.
Sinasabing na-confine ang nasawi noong Hunyo 22 dahil sa sakit na diabetes lamang, na nagpapakita ng sintomas ng nakamamatay na virus, at agad na sinuri ang pasyente at nakumpirmang positibo sa coronavirus.
Ipinag-utos na rin ng alkalde na lahat ng stall owners at vendors na sumailalim sa rapid testing at isasagawa ang disinfection sa buong pasilidad ng pamilihan habang naka-quarantine na ang pamilya ng nasawi. Nagsasagawa na rin ng contact tracing ang mga otoridad sa mga nakasalamuha nito.
Dagdag pa ng alkalde, maaari namang mamili sa San Nicolas Public Market ang mga taga-Angeles ngunit hindi maaaring magbenta ang vendors ng Pampang market. Agad aniyang maibabalik ang operasyon ng pamilihang bayan sakaling masunod na lahat ang safety protocols.
Sa tala, nagkaroon ng 29 na kumpirmadong COVID-19 cases sa lungsod, 23 dito ang nakarekober at apat ang namatay.