CAVITE, Philippines — Patay ang isang kuya matapos saksakin ng balisong ng kanyang nakababatang kapatid nang magkapikunan ang dalawa na nauwi sa patayan kamakalawa ng gabi sa Brgy. Alapan 1-A Imus City.
Dead-on-the-spot sanhi ng matinding tama ng saksak sa tiyan ang biktimang nakilalang si Jessieco Arsolon, 31-anyos, may asawa, vendor at residente ng # 238 Brgy. Alapan 1-A, Imus City, Cavite
Arestado naman ang suspek na si Cristian Arsolon, 23 anyos, walang trabaho at residente rin sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Jessie Villanueva, alas-10 ng gabi nang maganap ang insidente kung saan kapwa nasa loob ng kanilang bahay ang magkapatid at nagtalo sa hindi mabatid na dahilan.
Dahil dito, naburyong ang nakababatang kapatid hinggil sa pambubulyaw ng kanyang kuya kung kaya kinuha nito ang kanyang nakatagong balisong saka inundayan ng saksak sa tiyan ang huli.
Nagtangka pang tumakas ang suspek matapos ang pananaksak na agad ding nadakip ng mga rumespondeng pulis.