LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Karumal-dumal ang sinapit ng isang 66-anyos na lola matapos na igapos ng sariling apo at hatawin pa ng kahoy sa ulo na parang hayop dahil lamang sa paniningil ng utang sa loob ng kanilang bahay sa bulubunduking lugar ng Purok-5, Brgy. Apad, Polangui, Albay noong Martes ng umaga.
Patay na habang nakagapos ang dalawang binti at nakadapa sa sahig ng kanilang kusina nang madiskubre ng kanyang mga kaanak ang biktima na kinilalang si Natividad Sabaybay Villanueva, residente ng nasabing lugar.
Agad namang umamin sa pulisya ang apo ng biktima na si Albert Villanueva na siya ang pumatay sa kanyang lola dahil sa matinding galit nito sa matanda.
Sa imbestigasyon ng Polangui Police, dakong alas-9 ng umaga nang magdilim umano ang paningin ng suspek sa sobrang galit sa kanyang lola makaraang singilin siya nito ng kanyang pagkakautang.
Nabatid na itinali muna ng suspek ang dalawang binti ng lola gamit ang extension wire at hinataw ng kahoy ang mukha dahilan para mamatay.
Dakong alas-10:45 ng umaga nang laking gulat ng mga kaanak nang makita ang nakasubsob na bangkay ng matanda.