Unang ulat na nagbigti, may ‘foul play’
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Nakitaan ng “foul play” ang pagkamatay ng isang 7-anyos na totoy na umano’y nagbigti subalit lumalabas na pinatay ng sarili niyang kaanak sa Baguio City kamakalawa.
Sinabi ni Baguio City Police Director Colonel Allen Rae Co na nasabat ng pulisya sa Bokod, Benguet ang tiyahin ng bata na si Lolly Ann Dalipog at mga kaanak na sina Marcelino Walang at Wenzel Duccog na ibinabiyahe ang bangkay ng bata patungo sa tinubuan nitong bayan sa Banaue, Ifugao noong hapon ng Hunyo 1 dahil wala silang quarantine travel pass.
Una rito, nadiskubreng patay ang bata noong Mayo 30 sa bahay ni Dalipog sa Brgy. Ambiong, Baguio City na aniya ay nagbigti gamit ang isang scarf.
Ayon kay Co, nasa pangangalaga ni Dalipog ang pamangkin dahil nagtatrabaho sa abroad ang mga magulang nito. Gayunman, nakitaan ng mga pasa at senyales ng pang-aabusong pisikal ang katawan ng bata kung kaya’t inirekomenda ng mga awtoridad na isailalim ang bangkay sa awtopsiya, bagay na animo’y iniwasan ni Dalipog nang ipuslit ang bangkay upang ilibing sa Banaue noong Hunyo 4, dagdag ni Co.
Gayunman, pinigilan ni Ifugao Provincial Prosecutor Marvin Nangayawan ang paglilibing sa bata sa hiling ng Baguio City Police kaya’t naisagawa ang autopsy sa Baguio City Crime Laboratory.
Lumalabas na bagama’t namatay ang bata sa sakal ay nakita ang iba pang mga pinansalang natamo sa katawan nito.
Ani Co, nakakuha rin sila ng mga sinumpaang salaysay ng mga kapitbahay at iba pang saksi kaugnay sa mga sinasabing pagpapahirap ni Dalipog sa bata.
Dahil sa mga nakalap na ebidensiya, inihahanda ng pulisya ang kasong murder, child abuse, obstruction of justice at paglabag sa quarantine protocols laban kay Dalipog at mister nitong si Efren na umano’y kawani ng Philippine Atmospheric Geophysical and Seismology Administration.