SANTIAGO CITY, Isabela , Philippines – Tatlong tinaguriang top most wanted sa Cagayan habang 13 iba pang nagtatago sa batas ang nadakip ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na operasyon ng mga kagawad ng pulisya sa Cagayan Valley kamakalawa.
Kinilala ni PBrig./Gen. Angelito Casimiro, regional police director ng Cagayan Valley (Region-02), ang tatlong top most wanted persons na sina Rodolfo Medelin, 58, top 1 provincial level (Intelligence List), ng Brgy. Catugan, Lallo na dinakip sa kasong rape at acts of lasciviousness; Rolando Dela Cruz, 32, top 2 provincial level, tubong Mandalagan, Bacolod City, Neg. Occidental at nakatira sa Brgy. Cabatacan East, Lasam sa kasong murder, at Danny Alariao, 51, top 3 provincial level, ng Maura, Aparri na dinakip sa kasong murder.
Arestado rin ang mga wanted sa parehong lalawigan na sina Erick Frugal, 22, top 7 municipal level sa kasong rape; John Paul Santos, 19, Top 8 municipal Level, dahil sa paglabag sa RA 9775 at RA 9995 at kapwa ng Brgy. Tucalana, Lallo; Ali Batugal, 45, ng Brgy. San Gabriel, Tuguegarao City at Rolly Cortez, 56, ng Brgy. Dugo sa Camalaniugan.
Dinakip naman sa Isabela sina Stanley Capelo, 37, top 7 municipal level, ng Brgy. Annafunan, Tumauini sa kasong qualified theft; Anicia Lagat, ng Brgy. Baligatan, Ilagan City; Lovelydoll Miguel, 32, ng Brgy. Canogan Alto, Sto. Tomas; Lorven Medrano ng Brgy. Mabini, Santiago City; Reymond Quijano, 43, ng Brgy. Pinoma, Cauayan City; mga negosyanteng sina Merlita Yee, 59, at Conchita Concha, 58, kapwa ng Brgy. Oscariz, Ramon.
Dinakip din sa hiwalay na operasyon sina Robert Estela, 44, residente ng Barangay Ricarte Norte, Diffun, Quirino at Fraylan Morillo, 27, top 7 municipal level, ng Brgy. Bateng, Mangaldan, Pangasinan dahil sa kasong qualified theft.
Ayon pa kay Casimiro, ang pagkahuli sa mga nagtatagong mga wanted ay bahagi ng mas pinaigting na operasyon ng “Manhunt Charlie” ng pulisya na ang layunin ay ang hanapin at dakpin ang mga wanted na patuloy na nagtatago sa lipunan.