Mayor Zamora, 30 alipores sinita sa health protocols

Ayon mismo kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa PSN, hindi nagpaabiso ang hepe ng pulisya ng San Juan City sa pagtungo ni Zamora at kanyang grupo sa Baguio noong Biyernes.
STAR/File

Checkpoint nilampasan sa Baguio

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Galit ang mga residente ng Baguio City dahil sa pagpasok dito ni San Juan City Mayor Francis Zamora at 30 niyang alipores nang walang tamang koordinasyon sa mga awtoridad matapos nilang lampasan ang cross-border checkpoints at triage checks na paglabag sa “health protocols” sa ilalim ng ipinatutupad na modified general community quarantine (MGCQ) sa lungsod dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon mismo kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa PSN, hindi nagpaabiso ang hepe ng pulisya ng San Juan City sa pagtungo ni Zamora at kanyang grupo sa Baguio noong Biyernes.

Nabatid na nilampasan umano ni Mayor Zamora at 30 security entourage nito ang quarantine checkpoint sa pag-akyat sa Baguio City mula Metro Manila at dumiretso ang grupo sa kanilang tutuluyan.

Dahil dito, sumugod at kinuha ng mga awtoridad ang Mayor at mga alipores nito mula sa Baguio Country Club na kanilang tinutuluyan at dinala sila sa Baguio City General Hospital and Medical Center saka isinailalim lahat sa “health triage check” dahil sa posibleng dalang virus.

Inamin naman ni Magalong na dinamdam ng mga awtoridad sa lungsod ang paglampas ng mga security escort ni Zamora sa kanilang inilatag sa checkpoint sa kabila ng mahigpit nilang pagpapatupad ng panuntunan ng IATF upang hindi sila mapasukan o malusutan ng mga dayong may dalang virus.

Gayunman, sinabi ni Magalong na tumalima naman si Zamora at kanyang grupo nang kunin sila ng mga awtoridad sa kanilang tinutuluyan upang sumailalim sa swab test para sa COVID-19 sa BGHMC at sa disinfection ng ka­nilang mga sasakyan.

Idinagdag ni Maga­long na wala namang naging problema kay Zamora na naging matiwasay ang panunulu-yan nito sa lungsod bago siya at mga kasama na bumalik ng Metro Manila kahapon (Linggo).

Nabatid na “leisure trip” kasama ng kanyang mga anak ang naging pakay ni Zamora sa Baguio City upang maibsan ang init ng panahon na nadarama sa San Juan.

Ang pagpasok ng biglaan sa Baguio City ni Zamora ay ikinagalit ng mga residente lalo na’t mataas ang bilang ng kaso ng tinamaan ng COVID-19 sa San Juan.

Sinabi ni Baguio City Police Director Colonel Allen Rae Co na ipina­tutupad lamang nila ang panuntunan ng pamahalaan laban sa pagkalat ng COVID-19 sa sinumang tao maging ordinaryong mamamayan o mga VIPs.

Dahil sa insidente, sinabi ni Co na mas hihigpitan pa nila ngayon ang nakalatag nilang checkpoints sa lungsod.

Magugunita na n­i-tong Mayo, naging kon­­trobersyal ang isyu sa pagpapatupad ng qua­ran­tine protocols ni Za­mora sa sariling lungsod nito nang “arestuhin” ng kanyang mga pulis si dating Senador Jinggoy  Estrada na naging mayor din ng San Juan dahil sa ginawang pamumudmod nito ng mga isda at relief goods sa mga mahihirap sa lungsod.

Ayon kay Zamora, walang koordinasyon sa lokal na pamahalaan ang ginawang relief ope­rations ni Estrada habang si Estrada ay iginiit na pinupulitika lamang siya ng alkalde.

Show comments