MANILA, Philippines — Nakiusap ang ilang punong lungsod mula sa probinsya ng Cebu na muling payagan na uli ang pagba-"backride," o pag-angkas sa mga nagmamaneho ng motorsiklo, upang matugunan ang problema sa transportasyon sa probinsya ng Cebu.
Marso kasi nang i-ban ng DOTr ang pagsakay ng dalawang tao sa iisang motorsiklo upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Giit nina Talisay City Mayor Samsam Gullas, Carcar City Vice Mayor Nicepuro Apura at Consolacion Mayor Joannes Alegado, pinaka-"convenient" pa rin na paraan ng transportasyon ang motorsiklo sa kani-kanilang lugar.
Pinapayagan uli ang pampublikong transportasyon sa probinsya ng Cebu maliban sa Cebu City matapos isailalim sa general community quarantine (GCQ). Gayunpaman, limitado ang pwedeng sumakay dito upang mapanatili ang tamang "social distancing" mula sa ibang pasahero.
Ayon kay Gullas sa isang livestream, Huwebes, simula't sapul ay suportado na raw niya ang panawagan para payagan ang motorcycle backriding ng mga mag-asawa.
"I would like to appeal that backriding for motorcycles because it is the main transportation in the city, especially for family members," ani Gullas sa Cebuano.
"Hopefully, they can reconsider their position regarding the backriders for motorcycles."
Ayon naman kay Apura, maaaari namang magpatupad ng mga panuntunan upang maiwasan ang pagsikip ng daloy ng trapiko habang tini-tignan ang relasyon ng mga nagmamaneho sa pasahero.
Sa panig naman ni Alegado, mainam daw kung papayagan na rin ang mga motorcycle taxis lalo na't hindi raw nasusunod ang "social distancing" sa four-wheeled vehicles na naghahatid sa mga pasahero, sa dahilang punuan daw ang mga ito.
Nakasuot naman din daw ng helmet ang mga nagmamaneho ng motorsiklo at maaaring gumamit ng alcohol at sanitizers upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Cavite pumalag din sa ban
Kahapon lang nang umapela si Cavite Gov. Jonvic Remulla kay Health Secretary Francisco Duque III at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na payagan na rin ang pagba-backride ng mga magkakarelasyon sa kanilang probinsya.
Aniya, may 400,000 motorsiklo sa Cavite na nagsisilbing pangunahing transportasyon ng mga middle class sa kanilang ekonomiya.
"Jeepney drivers and operators are not operating. More than half of them are boundary drivers who will not be able to survive because of the social distancing requirement on passenger limit," sabi niya.
"Even those who own their own jeepneys are hesitant to work, either because of the lack of profitability or the fear of getting sick."
Aniya, kinakailangan nang maningil ng "special rate" ng nga tricycle driver para mabuhay sa araw-araw. Gayon din daw ang hirap na dinaranas ngayon ng mga nagmamaneho ng bus.
Naiintindihan daw ni Remulla kung bakit banned ang pag-angkas sa motorsiklo ngayon dahil napakataas ng hawaan ng COVID-19.
"What I would like to appeal is to allow married or cohabitating couples to backride on their motorcycles. They sleep on the same bed. Eat on same table," banggit niya pa.
"That is life here and anywhere else."