Cavite malls ipinasara kahit GCQ; Remulla 'beast mode' dahil walang social distancing

Papalabas mula sa disinfection channel ang isang mamimili sa isang mall matapos bahagyang magbukas ang mga operasyon nito noong ika-16 ng Mayo, 2020.
AFP/Ted Aljibe

MANILA, Philippines — Dalawang araw matapos buksan, muling ipinasara ang lahat ng shopping malls sa probinsya ng Cavite kahit ipinatutupad na roon ang general community quarantine (GCQ).

'Yan ang ipinag-utos ni Cavite Gov. Jonvic Remulla, Lunes, matapos tumaas ang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa probinsya matapos luwagan ang kanilang quarantine measures.

"LAHAT NG MALL SA CAVITE ay panandalian SARADO dahil sa kanilang pakawalang bisa ng social distancing," sabi niya sa kanyang Facebook post, Lunes.

"Wala po nakitang pinasusunod na patakaran ukol sa social distancing."

 

 

Aniya, 36 kasi agad ang naidagdag na kaso ng COVID-19 sa probinsya kumpara sa bilang nito noong ika-13 ng Mayo.

Bago mag-GCQ, kasama ang Cavite sa mga nagpapatupad ng mas striktong enhanced community quarantine, kung saan mas kaonti ang mga establisyamentong pinapayagang magbukas at pinananatili lang sa bahay ang lahat.

"Kahit supermarket at Drug store sa luob Ng mall ay sarado hanggang maka gawa nang hakbang ukol sa social distancing," dagdag pa niya.

Karamihan daw kasi ay inaakalang "mauutakan ang sistema." Katulad na lamang ng pagsusuot daw ng employee ID at pagdadala ng quarantine pass ng mga tao kahit walang duty at mamamasyal lang.

Paalala niya, bawal ang paggala kapag hindi oras ng trabaho. Binibigyan lang daw ng isang oras bago pumasok at isa't kalahating oras na palugit bago makauwi ang mga tao.

"Marami naman grocery at drug store sa inyong bayan. Duon muna Ang kailangan bilhin. MAGBUBUKAS RIN naman pag napakita ang plano ng operators ukol sa social distancing," dagdag pa niya.

Ngayong "beast mode" ang gobernador, bahala na raw ang publiko kung magagalit sila. Mas mainam na raw iyon kaysa madagdagan pa ang mga kaso ng COVID-19. — may mga ulat mula kay gaea Katreena Cabico

Show comments