2-buwang baby boy sa Cebu patay sa suspected COVID-19

Martes nang hapon nang isugod sa Vicente Mendiola Center ang bata dahil sa pag-ubo at matubig na pagdumi: "Hirap huminga ang baby," sabi ni Chiong sa Inggles.
Litrato mula sa Google Maps

MANILA, Philippines — Tinitiyak pa ngayon ng isang lungsod sa probinsya ng Cebu kung ang kinatatakutang coronavirus disease (COVID-19) nga ba ang kinamatay ng isang 2-buwang sanggol na kinakitaan ng ilang sintomas ng sakit.

Kinumpirma kagabi ni Naga City, Cebu Mayor Kristine Vanessa Chiong ang balita, matapos mamatay ang bata sa Acute Respiratory Distrress Syndrome secondary to Severe Pneumonia.

Martes nang hapon nang isugod sa Vicente Mendiola Center ang bata dahil sa pag-ubo at matubig na pagdumi: "Hirap huminga ang baby," sabi ni Chiong sa Inggles.

"Nagbigay ng IV fluids at oxygen ang doktor para ma-stabilize ang batang lalaki, ngunit namatay din ang bandang 4:45 p.m." 

 

 

Alinsunod sa protocol ng Department of Health na bantayan ang mga "influenza-like illness" gaya ng ubo at pagtatae, humingi ng permiso sa magulang ng baby ang Naga City government upang makakuha ng swab sample mula sa kanya para sa COVID-19 testing.

Umabot na sa 2,311 ang kumpirmadong tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas — 96 na sa kanila ang namamatay.

"Pinaaabot namin ang aming mga dasal at pakikiramay sa pamilya ng batang lalaki sa panahong ito ng pagluluksa," dagdag ni Chiong.

Icre-cremate ang bata sa loob ng 24 oras bilang pag-iingat, batay na rin sa protocol ng DOH.

Marso lang nang makumpirmang may COVID-19 ang 1 taong gulang na baby girl sa probinsya ng Oriental Mindoro.

'Huwag magpanic'

Samantala, pinaalalahanan naman ng pamahalaang lungsod ng Naga ang publiko na walang dahilan upang mabagabag.

Tuloy-tuloy naman daw ang pagsusumikap ng local government unit upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa komunidad.

"Sa ngalan ng transparency, i-u-update namin ang lokal na komunidad pagdating sa resulta ng test sa lalong madaling panahon," saad pa ni Chiong.

Inengganyo naman ang mga Nagahanon na patuloy na sumunod sa mga panuntunan ng enhanced community quarantine at manatili sa loob ng bahay upang maiwasan ang pagkahawa ng nakamamatay na virus.

Related video:

Show comments