TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Sinisiyasat ng awtoridad kung may kaugnayan sa banta ng COVID-19 ang pagkakadiskubre ng sinunog na bangkay na natagpuan sa loob ng drum na iniwan sa Brgy. Tabbac, Buguey, Cagayan kamakalawa.
Ayon sa report, tinustang mabuti ang bangkay ng lalaking hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan saka ito isinilid sa drum na gawa sa plastic.
Wala namang nakitang palatandaan na binaril, sinaksak o pinalo ang bangkay.
Ang bangkay ay iniwan sa masukal na lugar may 500 metro ang layo sa highway.
Ayon sa imbestigasyon, animoy pinagpaguran ng salarin ang pagligpit sa biktima saka ito matiyagang dinala sa kubling lugar.
Nabatid na wala naman sa drugs watchlist ang biktimang hindi tinukoy ang pangalan kaya’t ang tinitingnang mga anggulo sa pagsunog dito ay personal na alitan, love triangle at banta ng nakakahawang sakit.