CAGAYAN DE ORO, Philippines — Bagsak sa kalaboso ang isang dating imbestigador ng Office of the Ombudsman matapos ireklamo ng pangongotong sa isinagawang entrapment operation sa isang bangko sa Brgy. Carmen, Cagayan de Oro City (CDO) nitong Biyernes.
Kinilala ang nasakoteng suspect na si Jonathan Pineda, 47, binata, nakatira sa Block 4, Lot 5, Brgy. Gold City, CDO.
Bandang alas-11:30 ng tanghali, ayon kay Police Captain Ernesto Sanchez, officer-in-charge ng Cagayan de Oro City Police Station (PS) 2 nang masakote ang suspek sa isang sangay ng kilalang bangko sa kahabaan ng Max Suniel Street, Brgy. Carmen ng lungsod.
Isinagawa ang entrapment operation laban kay Pineda matapos ireklamo ng pangongotong ng mga police recruits.
Ayon sa opisyal, si Pine-da ay nangingikil umano ng P30,000.00 sa bawat isang aplikante sa Police Recruits mula sa Regional Training School (RTS) Region 10 at kung hindi ay sasampahan umano ang mga ito ng kasong administratibo sa tanggapan ng Ombudsman sa Region 10.
Sinabi ni Sanchez na inaresto ang suspect habang tinatanggap ang nasabing halaga mula sa isa sa mga recruits sa entrapment operation sa lugar.
Hindi na nakapalag ang suspect matapos na arestuhin at posasan ng mga nakaposteng operatiba ng pulisya.