LUCENA CITY, Philippines —- Patay ang isang adik na kabilang sa drug watchlist at itinuturong responsable sa panggagahasa sa isang 11-anyos na babaeng PWD makaraang makipagbarilan sa mga pulis na aaresto sa kanya kamakalawa sa Barangay Isabang ng lungsod na ito.
Naisugod pa sa Lucena United Doctors Hospital (LUDH) pero idineklarang patay ang suspek na si Michael Zafranco, 26, panadero, may live-in partner at residente ng nabanggit na barangay.
Batay sa salaysay sa Womens and Children’s Desk Section ng Lucena Police ng biktimang itinago sa pangalang Aida, Grade 3 SPED pupil, naglalaro siya sa labas ng kanilang bahay dakong alas-5:00 ng hapon nang sapilitang isama ng suspek sa tabing ilog. Pinaghihipuan umano siya sa maseselang parte ng kanyang katawan saka ginahasa. Binigyan pa ng P20 ng suspek ang biktima upang hindi magsumbong sa magulang gayunman nang makauwi sa kanilang bahay ay napansin ng pamilya na tulala. Nang usisain, dito sinabi ng bata ang kabuhungang ginawa sa kanya ng suspek.
Nang makarating sa kaalaman ni P/Lt. Col. Romulo Albacea ang pangyayari ay agad niyang inatasan ang mga tauhan na dakpin ang suspek. Naabutan ang suspek sa loob ng panaderya at nang tangkaing pasukuin ay nagpaputok umano ng kalibre 38 hanggang sa duguan bumulagta nang gantihan ng mga awtoridad.