NORTH COTABATO, Philippines - Dalawang umano’y terorista na kasapi ng Dawla Islamiyah at isang sundalo ang nasawi habang dalawa pang miyembro ng militar ang sugatan sa naganap na sagupaan sa Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao, nitong Lunes.
Sinabi ni AFP Western Mindanao Command Spokesperson Major Arvin Encinas na pinangunahan ng mga sundalo ng Joint Task Force Central ang air and artillery attacks laban sa naturang Daesh-inspired Group sa ilalim ng pamumuno ni Salahudin Hassan.
Natagpuan sa lugar ang mga bangkay ng dalawang ekstremista at narekober doon ang isang Barret caliber 50 sniper rifle, isang M-14 caliber 7.62 rifle at isang improvised explosive device.
Hindi pa tinukoy ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang mga pangalan ng mga nasawi habang patuloy na ginagamot sa ospital ang dalawang nasugatan.
Narekober sa operasyon ang dalawang armas at isang improvised explosive device.
Nagsasagawa pa ng clearing and blocking operation ang mga sundalo ng 40th Infantry Battalion sa Brgy. Mother Tuayan, Datu Hoffer kasunod ng sagupaan sa Ampatuan.